Imee Marcos, kumalas na sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Inihayag ni Presidential sister at senatorial candidate Imee Marcos ang kanyang pagkalas sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, ang senatorial slate na suportado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr..
Kasunod ito ng mga hakbang na ginawa ng administrasyon na itinuturing niyang salungat sa kanyang mga prinsipyo at paninindigan.
Partikular umano rito ang isyu ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na matagal nang kaibigan at kaalyado ni Imee.
“Malinaw na may mga hakbang na ginawa ang administrasyon na salungat sa aking mga paninindigan at prinsipyo. Dahil dito, hindi ko magagawang tumuntong sa isang entablado kasama ang ibang kasapi ng alyansa,” ani Marcos sa kanyang post sa social media.
Pinuna rin niya ang umano’y pagtatakip ng administrasyon sa mahahalagang impormasyon kaugnay ng kaso ni Duterte na aniya’y nagpapalakas lamang ng hinalang maaaring may paglabag sa Saligang Batas at sa soberanya ng bansa.


“Sa patuloy nilang pagbanggit ng executive privilege at sub-judice rule… ang mga kinatawan ng gobyerno sa pagdinig sa Senado…. ay mistulang nagtatago ng mahahalagang katotohanan,” dagdag pa niya.
Sa dulo ng kanyang mensahe, iginiit ni Marcos na ang pagkalas niya sa alyansa ay isang hakbang para ipaglaban ang soberanya ng Pilipinas at ang tunay na katarungan para sa bawat Pilipino. Ayon pa sa kanya, ang desisyong ito ay higit na mahalaga kaysa sa anumang pulitikal na interes o pakinabang. #