Illegal crypto-trafficking hub sa Angeles City, binuwag ng CIDG at PRO 3
Nabuwag ang isang illegal crypto-trafficking hub na nagkukunwaring BPO company sa Angeles City, Pampanga matapos ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Police Regional Office 3 (PRO 3), at iba pang ahensya nitong November 12.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng Search Warrant No. 25-426 laban sa WONSO BPO Services Inc. sa Barangay Sta. Teresita dahil sa umano’y paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act (RA 9208) at Cybercrime Prevention Act (RA 10175).
Nailigtas sa loob ng pasilidad ang ilang manggagawa, kabilang ang dalawang menor de edad. Nahuli rin ang tatlong suspek na sina alyas “Lim,” isang Korean operator; alyas “Gie,” na isang Filipina secretary; at alyas “Jane,” na isang Filipina manager.
Patuloy namang hinahanap ang isa pang Korean suspek na si alyas “Park.”
Lumabas sa imbestigasyon na ginagamit umano ang lugar para sa illegal cryptocurrency farming at online exploitation, at niloloko ang mga aplikante sa pangakong trabaho sa call center.
Nasamsam sa operasyon ang 132 computer units, 44 cellphone, at iba’t ibang dokumento at digital devices. #
