Ilegal na pagawaan ng paputok, sinalakay; 3 katao, arestado
Habang unti-unti nang sumasabay sa simoy ng hangin ang ingay ng mga torotot at kislap ng Christmas lights, nagsisimula na ring uminit ang paghahanda ng ilan para sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Dahil dito, mas mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng mga otoridad laban sa mga ilegal na pagawaan ng mga paputok.
Kaugnay nito, sa magkahiwalay na operasyon ng Bulacan Police Provincial Office nitong Lunes, October 27, tatlong indibidwal ang naaresto sa bayan ng Santa Maria at Bocaue matapos mahuling gumagawa ng mga paputok nang walang kaukulang permiso mula sa Philippine National Police (PNP) Firearms and Explosives Office.
Sa Brgy. Pulong Buhangin, Santa Maria, dalawang babae ang nasakote ng mga tauhan ng Santa Maria Municipal Police Station. Na-recover sa kanila ang tatlong kahon ng hindi pa tapos na paputok at isang drill na ginagamit sa paggawa nito.


Samantala, sa Bocaue naman — na kilala bilang “Fireworks Capital of the Philippines” — nahuli rin ang isang 22-anyos na lalaki na kinilalang si alyas “Jon Jon” sa Sitio Bigunan, Brgy. Biñang 1st.
Nasamsam sa kanya ang 23 kilo ng potassium chlorate, ilang bahagi ng baby rocket, at mga natapos nang paputok.


Binigyang-diin din ng mga otoridad na mahigpit nilang ipatutupad ang Republic Act 7183 o ang Firecracker Law, at hinikayat ang mga negosyante at residente na sumunod sa batas upang maiwasan ang disgrasya.
Pinaalalahanan naman ng Bulacan PNP ang publiko na gumamit lamang ng mga aprubadong paputok at iwasan ang mga gawa sa ilegal na pabrika.
Matatandaang nito lamang October 22, dalawa ang nasawi matapos ang naganap na pagsabog sa isang illegal fireworks factory sa Brgy. Partida, Norzagaray, Bulacan. #
