Ilang truckers sa Porac, lumipat ng ibang site kasunod ng isyu sa tax system sa bayan

Tumatawid na sa ibang quarry site sa Pampanga at karatig-lalawigan ang ilang truckers mula Porac upang hindi tuluyang huminto ang kanilang operasyon sa gitna ng umiinit na isyu ng taxation ng Municipal Government.
Sa Dolores, Bacolor, partikular sa paligid ng Pasig-Potrero River, makikita ang sunod-sunod na truck na abala sa pagkakarga ng buhangin.
Ayon kay Lennard Lansang, Director ng Porac Truckers and Haulers Association, nananatiling mataas ang demand sa aggregates ng Porac.
Gayunman, sinabi niyang patuloy ang problema ng haulers at quarry operators dahil sa protesta laban sa ipinatutupad na tax system ng Porac LGU.
Nagsimula ang usapin matapos magprotesta ang Association of Porac Sand and Gravel Quarry Operators Inc. kaugnay ng implementasyon ng taxation ng bayan ng Porac.
Habang naghahanap ng alternatibong quarry sites ang ilang operator, umaasa naman ang sektor na agad maresolba ang isyu upang hindi maantala ang supply ng construction materials sa rehiyon. #
