Ilang senador, suportado si Vince Dizon bilang DOTr Secretary
Nagpaabot ng kanilang suporta ang ilang mga senador para sa bagong talagang kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si dating Bases Conversion and Development Authority (BCDA) chief Vivencio “Vince” Dizon.
Sa isang post sa X (dating Twitter), idinaan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang kanyang pagbati para sa pagkakatalaga kay Dizon. Aniya, excited umano siya na makatrabaho sa gobyerno ang bagong kalihim.
Nagpaabot din si Escudero ng kanyang pasasalamat para sa naging serbisyo ng dating kalihim ng DOTr na si Secretary Jaime Bautista na nagretiro sa pwesto dahil sa kanyang kondisyong medikal.
Samantala, tiwala naman si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na magagawang pamunuan ni Dizon ang naturang ahensya para sa mga infrastructure at transport modernization project nito.

Gayundin, nagparating ng kanilang pagbati sa pagkakaluklok ni Dizon sina Senator Grace Poe at Senator Joel Villanueva, kung saan sinabi nilang ang karanasan nito sa pamumuno ang magiging asset ng DOTr para sa mas mabilis na pagproseso ng mga proyekto.
Nakatakdang pormal na manungkulan sa pwesto bilang bagong DOTr secretary si Dizon sa darating February 21, ayon sa Malacañang. #