Ilang magsasaka sa Bamban, hindi pinagbilhan ng krudo dahil galon ang dala; konsiderasyon sa fuel access, panawagan ni Mayor Salting
Nanawagan si Bamban, Tarlac Mayor Jose Salting sa mga pamunuan ng mga gasolinahan na bigyan ng konsiderasyon ang kalagayan ng mga magsasakang bumibili ng kerosene o krudo gamit ang galon bilang lalagyan para sa kanilang mga makinang pangpatubig sa bukirin.
Ayon sa alkalde, may mga natatanggap siyang reklamo mula sa ilang magsasaka na hindi umano sila pinayagang makabili ng krudo gamit ang portable containers sa ilang gas stations. Naging mas mahigpit daw ang pagbebenta ng petrolyo sa mga ganitong lalagyan kasunod ng pagtaas ng presyo at demand sa oil products.
Ipinaliwanag ni Salting na para sa maraming magsasaka sa kanilang bayan, galon lamang ang praktikal na lalagyan upang makapagdala ng fuel para sa kanilang irrigation equipment na ginagamit sa patubig ng mga sakahan.
Samantala, nilinaw ng Department of Energy (DOE) na nananatiling pinahihintulutan ang pagbebenta ng mga produktong petrolyo sa fuel-grade drums at portable containers, basta’t para ito sa lehitimong operasyon at ang dami ng binibili ay naaayon sa aktwal na pangangailangan ng gumagamit.
Ayon sa DOE, kabilang sa mga pinapayagang gumamit ng ganitong paraan ng pagbili ang agricultural machinery users, mga bangkang pangisda, mga generator set ng ospital at iba pang pasilidad, mga lokal na pamahalaan, pati na rin ang iba pang negosyo na totoong may pangangailangan sa operasyon.
Gayunman, binigyang-diin ng ahensya na dapat manatili sa normal na konsumo ang dami ng binibiling petrolyo upang maiwasan ang hoarding o labis na pag-iimbak ng fuel. Maaari ring suriin ng fuel retailers ang mga transaksyong lumalampas sa karaniwang dami ng binibili upang matiyak na sumusunod ito sa umiiral na regulasyon.
Hinihikayat naman ng DOE ang publiko na iulat ang anumang posibleng paglabag sa pamamagitan ng eGovPH App, Hotline 8888, sa kani-kanilang lokal na pamahalaan, o direkta sa Consumer Welfare and Promotion Office ng naturang ahensya. #
