Ilang jeep at terminal sa Central Luzon, pinatawan ng show cause orders ng LTFRB-III
17 transport terminals at ilang pampasaherong jeep sa Central Luzon ang ininspeksyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 3.
Sa ulat ng ahensya, 12 out of 17 terminal ang natukoy na hindi sumusunod sa itinakdang pamantayan.
Kabilang umano sa mga kakulangan ang kawalan o hindi maayos na palikuran, walang CCTV, kulang na upuan, at kakulangan sa pasilidad para sa persons with disabilities tulad ng ramp at designated seating.
May ilan ding terminal na walang sapat na bentilasyon o maayos na waiting area.
Samantala, 12 pampasaherong jeep naman ang na-flag dahil sa iba’t ibang paglabag. Ilan sa mga napuna ang depektibong bahagi ng sasakyan, kawalan ng required markings gaya ng “No Smoking,” PWD signage, LTFRB hotline, at tamang plate number display.
Dahil dito, naglabas ng show cause orders ang LTFRB Region 3 laban sa mga operator at terminal na nakitaang may violation.
Binigyang-diin naman ng ahensya na magpapatuloy ang kanilang monitoring at inspeksyon sa buong rehiyon upang tiyaking “roadworthy” ang mga sasakyan at maayos ang mga terminal para sa kaligtasan at kaayusan ng mga pasahero. #
