Ikatlong suspek sa pagpaslang sa ABC chief at kanyang driver sa Bulacan, arestado sa Cavite
Naaresto ng Philippine National Police (PNP) ang isang 45-anyos na lalaki na kabilang sa most wanted persons kaugnay ng kasong double murder Bulacan matapos ang manhunt operation sa Kawit, Cavite nitong Biyernes, April 10.

Bandang 11 AM nang isagawa ang operasyon sa Brgy. Marulas, kung saan nadakip ang suspek na residente ng Navotas City sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court sa Malolos City para sa two counts of murder na walang inirerekomendang piyansa.
Ayon sa pulisya, sangkot ang suspek sa pagpatay sa noo’y Association of Barangay Captains (ABC) President ng Bulacan na si Ramil Capistrano at kanyang driver na si Shedrick Toribio noong October 3, 2024 sa Brgy. Ligas, Malolos City.
Sa ulat, tinangka pang tumakas ng suspek sakay ng motorsiklo habang papalapit ang mga operatiba sa kahabaan ng Antero Soriano Highway, ngunit bumangga ito sa isang sasakyan ng pulisya na naging dahilan ng kanyang pagkakaaresto.
Pinangunahan ang operasyon ng Bulacan Provincial Intelligence Unit, katuwang ang iba pang yunit ng pulisya mula Bulacan at Cavite.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon habang inaasikaso ang pagbabalik ng warrant sa korte at ang susunod na legal na proseso laban sa kanya.
Matatandaang October 2025 at January 2026 nang madakip ng pulisya ang dalawa pa sa umano’y apat na suspek sa pamamaslang sa mga biktima.

###
