Ikalimang bishop ng San Jose, Nueva Ecija, itinalaga ni Pope Leo XIV

Itinalaga ni Pope Leo XIV si Fr. Samuel Agcaracar ng Societas Verbi Divini (SVD) bilang bagong bishop ng Diocese of San Jose, Nueva Ecija matapos ang halos walong buwang paghihintay ng simbahan para sa bagong pinuno.Â
Papalitan niya si Bishop Roberto Mallari na ngayo’y namumuno na sa Diocese of Tarlac.
Si Agcaracar, na tubong Claveria, Cagayan, ang rector ng Divine Word Seminary sa Tagaytay City at provincial admonitor ng SVD Philippine Central Province.
Siya ay naging isang guro at katekista bago pumasok sa seminaryo. Naordina bilang pari noong 2007 at nagsilbi bilang high school director sa Divine Word College of Calapan at guro sa iba’t ibang institusyon ng SVD sa Tagaytay.
Hawak din niya ang doctorate sa missiology mula sa Pontifical Gregorian University sa Rome at siya ang nagtatag ng SVD Laudato Si’ Farm sa Tagaytay.
Wala pang petsa ng kanyang episcopal ordination at opisyal na pag-upo bilang ikalimang bishop ng San Jose. #
