Singil ng PELCO I at SFELAPCO, tumaas ngayong November; rates ng PELCO II at III, bumaba
Magkakaibang singil sa kuryente ang ipinatupad ng iba’t ibang electric cooperatives sa lalawigan ng Pampanga ngayong buwan ng Nobyembre.
Sa Pampanga I Electric Cooperative, Inc. (PELCO I), ramdam ng mga kumokonsumo ng humigit-kumulang 200 kWh kada buwan ang malaking pagtaas. Mula ₱8.42/kWh noong Oktubre, naging ₱9.69/kWh ito ngayong buwan.
Bumaba naman ang singil ng PELCO II. Nasa ₱8.66/kWh ito ngayon, na dati ay nasa ₱9.8344/kWh. Para ito sa mga consumer na 100 kWh ang average na gamit.
Nagpatupad din ng bawas-presyo ang PELCO III. Mula sa ₱10.5897/kWh noong Oktubre, ₱10.3026/kWh na lamang ang kanilang singil ngayong Nobyembre.
Samantala, nananatiling pinakamataas ang singil ng San Fernando Electric Light and Power Company (SFELAPCO), na umakyat pa mula ₱11.16/kWh noong Oktubre patungong ₱11.46/kWh ngayong buwan. Para ito sa mga kumokonsumo ng nasa 240 kWh.
Sa gitna ng magkaibang takbo ng presyo sa bawat cooperative, patuloy pa ring binabantayan ng mga Kapampangan kung saan ba talaga sila makakahinga sa gitna ng pabago-bagong singil sa kuryente. #
