Huwag ikampanya si Cardinal Tagle para Santo Papa: CBCP
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko na iwasan ang hayagang pagsusulong kay Luis Antonio Cardinal Tagle bilang susunod na Santo Papa, kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis nitong Aprl 21, at habang nalalapit ang pagdaraos ng Conclave.

Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Episcopal Commission on Public Affairs, ang pagsuporta sa isang partikular na kardinal sa publiko ay maaaring magdulot ng maling pananaw na makaiimpluwensya sa proseso ng pagpili ng bagong Santo Papa.
“The independence of the electors must be respected, and the least we can do is pray for Cardinal Tagle and the other cardinal electors,” pahayag ni Fr. Secillano sa panayam ng Radio Veritas.
Binibigyang-diin ng CBCP na ang pagpili ng bagong Santo Papa ay tanging nasa kamay ng 135 cardinal electors na may edad na mas mababa sa 80, kabilang ang tatlong mula sa Pilipinas na sina Cardinal Tagle, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, at Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Kilala si Tagle bilang dating Arsobispo ng Maynila at kasalukuyang pro-prefect ng Dicastery for Evangelization sa Vatican. Itinuturing siyang isa sa mga “papabili” o mga posibleng pumalit bilang pinuno ng 1.4 bilyong Katoliko sa buong mundo.
Habang kinikilala ang posibleng papel ng isang Pilipino sa pinakamataas na posisyon ng Simbahang Katolika, iginiit ng CBCP na ang panalangin at hindi pampublikong kampanya ang nararapat na tugon sa panahon ng transisyon para sa bagong Santo Papa. #