HIV-AIDS workplace policy, ipinag-utos ng CSC sa lahat ng gov’t agencies
Mahigpit na inatasan ng Civil Service Commission (CSC) ang lahat ng government agency na magpatupad ng kani-kanilang Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) workplace policy.
Bahagi ito ng mas pinalakas na kampanya para sa kalusugan, proteksyon, at karapatan ng mga kawani ng gobyerno.
Sa ilalim ng CSC Resolution No. 2500398, kinakailangang maglunsad ang mga ahensya ng mga programang nakatuon sa pagbibigay ng kaalaman at kamalayan tungkol sa HIV at AIDS.
Sakop ng polisiyang ito ang lahat ng government employees, anuman ang kanilang posisyon sa trabaho — maging sila ay nasa national agencies, local government units, state colleges and universities, o government-owned and controlled corporations.
Obligado ring magsumite ang agencies ng annual report sa PNAC hinggil sa kanilang mga inisyatibo laban sa HIV at AIDS.
Inaasahang maglalaan ng suporta ang mga opisina sa kanilang mga empleyado sa pamamagitan ng access sa mga serbisyong tulad ng testing, counseling, treatment, at ibang tulong.
Bahagi rin ng panuntunan ang pagtiyak sa ligtas at maayos na kapaligiran sa trabaho, kasabay ng pagpapatupad ng mga hakbang laban sa diskriminasyon. Ipinag-utos din ng CSC ang proteksyon ng private information ng mga kawani, alinsunod sa Data Privacy Act of 2012.
Kaugnay nito, hinikayat ng CSC ang mga ahensya na makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) at Philippine National AIDS Council (PNAC) upang masigurong maayos na naipatutupad ang mga programa at serbisyo para sa mga empleyado. #
