Hindi pwedeng magtago sa Senado si Bato kapag ipinaaresto ng ICC: Sen. Lacson
Iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na hindi pwedeng gawing taguan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang Senado sakaling maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Lacson, bagama’t dapat igalang ng mga otoridad ang Senado at iwasang magsilbi ng warrant sa loob mismo ng bulwagan, hindi aniya pwedeng manatili roon nang matagal si dela Rosa dahil mananaig pa rin ang batas.
Nitong nakaraang Linggo, inihayag ni Department of Justice Secretary (DOJ) Jesus Crispin Remulla na may inilabas nang warrant of arrest ang ICC para kay Bato kaugnay ng war on drugs noong panahon ng administrasyong Duterte.
Nilinaw naman ni Lacson na kahit wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa ICC, naniniwala siyang dapat harapin ni Dela Rosa ang anumang kaso sa legal na paraan.
Una nang sinabi ng DOJ na handa ang Pilipinas na makipagtulungan kung maglabas ng arrest warrant ang naturang korte laban kay dela Rosa na nagsilbi noon bilang PNP chief. #
