Hindi kami nag-eendorso ng mga produktong panlunas sa cancer: DOH
Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag magtiwala sa mga pekeng website at social media pages na ginagaya ang pangalan ng kagawaran para mag-endorso ng mga produktong panlunas sa cancer.
Binigyang-diin ng DOH na hindi sila nag-eendorso ng anumang commercial products, kabilang na ang mga lunas para sa cancer.
Pinabulaanan din nila ang mga produktong ibinebenta sa mga pekeng online platforms, na anila, walang sapat na patunay bilang lunas sa cancer. Hindi rin napatunayan ng agham o mga eksperto sa kalusugan na epektibo ang mga produktong ito laban sa naturang sakit.

Ayon pa sa DOH, karaniwan na sa mga pekeng website at social media pages ang paggamit ng mapanlinlang na marketing strategies, gaya ng pekeng testimonya at pekeng endorsement mula sa mga hindi awtorisadong eksperto.
Kaugnay nito, hinihikayat ng ahensya ang publiko na sundan lamang ang kanilang mga official social media pages at maging mapanuri laban sa mga pekeng impormasyon. Pinaalalahanan din nila ang lahat na ang tanging official website ng DOH ay www.doh.gov.ph.
Dagdag pa ng DOH, ini-report na nila sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga pekeng website at social media pages na gumagamit ng kanilang pangalan upang matanggal na ito sa mga online platform. #