Higit kalahating milyong halaga ng illegal drugs, nakumpiska sa Bataan at Bulacan
Tinatayang aabot sa ₱742,000 ang kabuuang halaga ng iligal na droga na nasamsam mula sa limang naarestong high-value target individuals sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Bataan at Bulacan nitong Huwebes, March 20.
Sa Bataan, timbog ng Orion Municipal Police Station at Provincial Police Drug Enforcement Unit-Bataan PPO si alyas “John”, 28-anyos, na huli sa akto habang nagbebenta ng hinihinalang shabu sa Barangay Sto. Domingo.

Nakuha mula sa kanya ang dalawang medium-sized sachet at isang malaking plastic bag na may lamang shabu at ang marked money na ginamit sa operasyon. May kabuuang timbang na 60 grams ang nasamsam na droga na may estimated value na ₱408,000, batay sa Standard Drug Price.
Samantala, sa Bulacan, nahuli naman ng San Jose Del Monte City Police Station sa Barangay Muzon South ang apat na sangkot sa iligal na droga sa lugar. Kinilala ang mga ito na sina alyas “Jay” at “Mark”, parehong 23-anyos; “Vince”, 22-anyos; at “Neris”, 25-anyos—lahat ay residente ng naturang syudad.

Nakumpiska mula sa kanila ang 1,500 grams ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga umano ng ₱300,000, at limang gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa ₱34,000 ang halaga. Gayundin ang isang pack at bloke ng pinatuyong dahon ng marijuana, isang transparent plastic container na may hinihinalang marijuana, isang glass container na may suspected kush, limang heat-sealed sachet ng marijuana, at iba’t ibang drug paraphernalia.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya ang lahat ng naarestong suspek na nahaharap ngayon sa mga kaukulang reklamo.
Sinabi naman ni Police Regional Office 3 Director PBGen. Jean Fajardo na titiyakin ng kapulisan na ang lahat ng kanilang operasyon ay isasagawa nang may kahusayan at naaayon sa batas. #