Higit 85,000 PDLs, pinalaya sa bisa ng paralegal services ng BJMP
Umabot sa mahigit 85,000 persons deprived of liberty o PDLs sa buong bansa ang pinalaya mula June 2024 hanggang May 2025 sa tulong ng pinalakas na paralegal services ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sa report ng BJMP, 11,139 ang pinalaya sa bisa ng good conduct time allowance (GCTA); 8,280 naman dahil sa probation; 23 sa parole; at 8,825 sa bail.
Mahigit naman sa 15,000 PDLs ang inilipat sa ibang pasilidad tulad ng Bureau of Corrections (BuCor), provincial jails, at drug treatment centers.
Samantala, higit 5,000 naman ang mga kasong tuluyan nang ibinasura habang nasa 6,000 ang pansamantalang ibinaba. Nasa 7,431 naman ang na-acquit at 16,311 ang nakalaya matapos na makumpleto ang kanilang sintensya.
May 340 PDLs naman ang pinatawan ng community service, habang 3,570 ang nakalabas sa bisa ng recognizance o pansamantalang pagpapalaya nang walang piyansa dahil sa kahirapan.
Layon ng pinalawak na serbisyo ng BJMP na tugunan ang jail congestion at mapabilis ang legal na proseso para sa mga qualified PDL. #
