Higit 800 baril, nakumpiska sa Central Luzon mula Oct. 1 hanggang Nov. 23
Umabot na sa higit 800 baril ang nakumpiska sa mas pinalakas na kampanya ng Police Regional Office 3 kontra loose firearms.
Base sa datos ng Regional Operations Division, 842 firearms ang nakuha sa iba’t ibang parte ng Central Luzon simula October 1 hanggang November 23, 2024. 832 rito ang short firearms habang 10 ang light weapons.
Nasamsam ang 280 sa mga ito sa isinagawang law enforcement operations gaya ng checkpoints at search warrant. 153 naman ang kusang isinuko ng mga nagmamay-ari at 409 ang nakuha sa Revitalized Katok.
Naaresto rin ang 239 katao na lumabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
“Ang mga ilegal na armas ay banta sa kaligtasan ng publiko lalo na kadalasan itong ginagamit ng mga kriminal upang maisagawa ang kanilang masamang hangarin kung kaya naman paulit-ulit tayong nananawagan sa publiko na agad ipagbigay-alam ang mga nagmamay-ari o nagbebenta ng mga ilegal na armas,” saad ni PRO 3 Director PBGen. Redrico Maranan.
Hinihikayat din ng hepe ang mga may-ari ng baril na i-renew ang kani-kanilang lisensya. Kung isusuko naman daw ay bibigyan sila ng acknowledgement receipt. #