Higit 7,000 proyekto, nakatakdang isulong sa updated investment program ng Central Luzon

Sa gitna ng patuloy na hamon sa ekonomiya at pangangailangang mapabilis ang pagbangon ng mga rehiyon, muling pinagtibay ng Regional Development Council o RDC ang direksyon ng kaunlaran sa Gitnang Luzon.
Ito ay matapos aprubahan ng naturang konseho ang midterm update ng Central Luzon Investment Program o CLIP para sa taong 2023 hanggang 2028.
Ayon sa RDC, magsisilbing gabay ang inamyendahang CLIP sa pagpapatupad ng mga programa sa rehiyon na layong ihanay ang mga plano ng pamahalaan tungo sa inklusibong paglago at sustainable development.
Saklaw ng plano ang kabuuang 7,498 programs and projects.
Sa bilang na ito, 242 ang natapos na, 982 ang kasalukuyang ipinapatupad, habang mahigit 6,000 proyekto naman ang nakatakdang maisakatuparan bago matapos ang taong 2028.
Nangunguna sa listahan ang social development, na may libo-libong proyektong nakatuon sa pagpapabuti ng edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at social protection para sa mamamayan ng Central Luzon.
Malaki rin ang bahagi ng infrastructure development na tutugon sa pagpapalawak ng mga kalsada, transportasyon, at iba pang pangunahing pasilidad.
Samantala, ang economic development ay nakatuon sa agrikultura, food security, at pagpapalakas ng kalakalan at pamumuhunan.
Ayon sa RDC, ang midterm-updated CLIP 2023–2028 ang magsisilbing batayang dokumento sa pagrepaso ng 2027 budget proposals, upang matiyak na ang pondong ilalaan sa rehiyon ay tugma sa pangmatagalang plano at prayoridad ng kaunlaran sa Central Luzon. #
