Higit 700 voting precincts sa bansa, isasailalim sa Random Manual Audit matapos ang eleksyon
Nasa 762 voting precincts sa buong bansa ang isasailalim sa Random Manual Audit (RMA) matapos ang May 12 National and Local Elections, ayon sa anunsyo ng Commission on Elections (Comelec).
Sa report ng Philippine News Agency (PNA), sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na pipiliin ang mga presintong isasama sa pag-audit sa pamamagitan ng electronic raffle system.
Habang isang Philippine post naman sa abroad na gumamit ng online voting system ang isasama rin sa audit, at maaari pa itong madagdagan depende sa pasya ng komite.
Layunin ng RMA na masigurong tugma ang resulta ng vote counting machines sa manual na bilangan ng balota.
Matatandaang simula pa noong 2010, umabot sa 99.9% ang accuracy rates ng mga resulta ng automated at manual count, ayon sa Comelec.
Batay sa Comelec Resolution 11089, nakabatay ang bilang ng mga presintong isasailalim sa audit sa dami ng clustered precincts sa bawat distrito.
Samantala, kasama naman sa mga magiging Random Manual Audit Committee (RMAC) ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya at grupo gaya ng Department of Education (DepEd), Philippine Statistics Authority PSA, Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), Legal Network for Truthful Elections (LENTE), at Philippine Institute of Certified Public Accountants (PICPA). #