Higit 300 Aetas sa Bataan, hinatiran ng tulong at serbisyong medikal ng Philippine Coast Guard
Hindi na lamang sa karagatan umabot ang saklaw ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos magsagawa ng Community Welfare and Outreach Program para sa mahigit 300 Aeta mula sa Abucay at Bagac, Bataan nitong Biyernes, December 12.

Pinangunahan ito ni First Lady Liza Araneta Marcos, kasama ang mga kawani ng Coast Guard, at mga opisyal ng lalawigan at bayan.
Sentro ng programa ang libreng medical at dental mission na isinagawa ng mga volunteer health workers ng PCG Auxiliary. Kabilang sa mga serbisyong inihatid ang check-up, laboratory tests, eye screening, at iba pang primary health service.
Bukod dito, nagkaloob din ang PCG ng mga food pack at grocery items sa lahat ng benepisyaryo.
Ayon kay Admiral Ronnie Gil Gavan, ang aktibidad ay bunga ng matibay na ugnayan ng Coast Guard at lokal na pamahalaan. Aniya, patuloy na isinusulong ng PCG ang kanilang adbokasiyang maghatid ng seguridad at serbisyo hanggang sa mga bulnerableng sektor.
Sa patuloy na pagpapalawak ng Community Welfare and Outreach Program, pinatitibay ng PCG ang papel nito hindi lamang bilang tagapangalaga ng karagatan, kundi bilang katuwang sa humanitarian assistance at community development. #
