Higit 30 emergency hotlines sa bansa, pag-iisahin sa Unified 911
Simula sa Huwebes, September 11, iisa na lang ang tatawagan ng mga Pilipino sa oras ng emergency — ang 9-1-1.
Ito ay makaraang ianunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang paglulunsad ng Unified 911, na papalit sa mahigit 30 iba’t ibang hotline sa bansa.
Ayon sa ahensya, tugon ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa buong bansa sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Sa bagong sistema, lahat ng emergency calls para sa pulisya, bumbero, medical o disaster response ay daraan sa iisang integrated network na nag-uugnay sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, hindi lamang hotline kundi “lifeline” ang Unified 911, na titiyaking bawat tawag ay agarang matutugunan.
Libre at bukas 24/7 ang serbisyo, na kayang tumanggap ng tawag sa iba’t ibang wika tulad ng Tagalog, Cebuano, Ilocano, Waray, at Tausug. Target nito ang limang minutong response time. #
