Higit 2,500 na katao, lumabag sa gun ban: Comelec
By Acel Fernando, CLTV36 News
Umabot na sa higit 2,500 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa umiiral na gun ban para sa 2025 National and Local Elections, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Batay sa datos mula sa National Election Monitoring Action Center (NEMAC), naitala ang mga kaso mula January 12 hanggang April 19.
Kabilang sa mga nahuli ang 18 tauhan ng Philippine National Police (PNP), 14 mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), 12 dayuhan, at 2,418 na sibilyan.
Nasabat mula sa mga lumabag ang higit 2,600 armas, kabilang ang maliliit na baril, airsoft guns, mga replika, explosives, at halos 9,500 piraso ng bala.
Samantala, iniulat din ng NEMAC ang 28 insidente na posibleng may kaugnayan sa halalan.
Paliwanag naman ng PNP, itinuturing na election-related incident (ERI) ang isang kaso kung ito ay may kinalaman sa kandidato, kanyang kaanak o tagasuporta, o opisyal ng Comelec, at naganap sa panahon ng halalan.
Ayon sa Comelec, layunin ng gun ban na maiwasan ang karahasan at matiyak ang mapayapang halalan.
Nagsimula ang gun ban noong January 12 at magtatagal hanggang June 11, kasabay ng pagtatapos ng election period. #