Higit 12,000 pulis, naka-deploy na sa buong Central Luzon para sa Halalan 2025: PRO 3
Nakapagtalaga na ang Police Regional Office 3 (PRO 3) ng mahigit 12,000 police personnel sa buong Central Luzon bilang bahagi ng kanilang inisyatibang tiyakin ang seguridad sa rehiyon ngayong halalan.

Layon ng isinagawang deployment, na sinimulan nitong May 4, na masiguro ang kaayusan sa mga voting precinct, gayundin ang kaligtasan ng mga botante at election officers.
Ipinabatid din ng PRO 3 na naka-full alert status na ang buong Region 3, at mahigpit na umano ang koordinasyon sa pagitan ng pulisya, Commission on Elections (Comelec), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang ahensya. Bahagi raw ito ng kanilang hakbang na siguruhin ang mabilis at maayos na pagtugon sa anumang posibleng aberya o banta sa halalan.

Kabilang sa mga hakbang ng PRO 3 ang pagbabantay sa mga tinukoy na election hotspots ng Comelec, paglalagay ng checkpoints, at pagpapatupad ng mas pinaigting na intel operations.
Patuloy naman ang panawagan ng otoridad sa publiko na makipagtulungan sa kanila sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan ng halalan. #
