Higit ₱366-K halaga ng iligal na droga, nakumpiska sa Bulacan
By Jelcia Rañeses, CLTV36 News intern
Arestado ang apat na indibidwal sa magkakasunod na operasyon ng Bulacan Police dahil sa iligal na droga nitong Lunes, February 17.
Base sa police report, dalawang suspek mula sa Barangay Camalig, Meycauayan City ang nahulihan ng 12 sachet ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Meycauayan Police, katuwang ang Special Operations Unit 3 (SOU 3) at PNP Drug Enforcement Group (PNP DEG).

Tinatayang aabot sa ₱365,840 ang kabuuang halaga ng mga nasabat na kontrabando na kasalukuyang nasa mga otoridad para sa iba pang ligal na hakbang.
Samantala, dalawang suspek din sa iligal na droga ang nadakip sa isinagawang operasyon ng Bustos Police Station. Na-recover mula sa kanila ang dalawang sachet ng dried marijuana leaves na may halagang ₱408, kasama ang buy-bust money.

Ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanila.
Kaugnay nito, inihayag ng Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) na si PCol. Satur Ediong na magpapatuloy ang kanilang mas pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga upang tiyakin ang kaligtasan at kapayapaan ng komunidad. #