Higit ₱300-M na halaga ng imported sugar, nakumpiska sa Bulacan
Nasabat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang mahigit sa ₱307-million na halaga ng imported na asukal sa magkakahiwalay na operasyon sa tatlong bodega sa Meycauayan City, Bulacan nitong Biyernes, June 6.

Ayon kay CIDG officer-in-charge Col. Ranie P. Hachuela, umabot sa 95,568 na sako ng asukal ang kanilang natuklasan sa loob ng mga bodega na matatagpuan sa isang industrial park sa Barangay Perez.
Ipinagbabawal aniya ang pag-iimbak ng mga agricultural products gaya ng asukal dahil may negatibong epekto umano ito sa presyuhan sa merkado at maaaring magdulot ng artificial shortage.

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant sa tulong ng Department of Agriculture – Inspectorate Enforcement (DA-IE) at ng Sugar Regulatory Administration (SRA). Katuwang din dito ang iba pang yunit ng pulisya sa Bulacan.
Binigyang-diin ni Hachuela na ang pagkakasabat ng malaking halaga ng asukal ay mahalagang hakbang upang mapigilan ang hoarding at economic sabotage.
Mahaharap ang mga sangkot sa kasong paglabag sa sa Republic Act No. 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016. #
