Higit ₱1.67-B na mga bagong equipment, tugon sa mas epektibong operasyon ng PNP

Mas pinalakas ng Philippine National Police (PNP) ang kakayahan sa pagtugon sa mga operasyon sa pamamagitan ng pagbili ng mahigit ₱1.67 billion na halaga ng mga bagong kagamitan at sasakyan.
Kabilang sa mga binili nila ang mga drone, 4×4 personnel carriers, heavy and light motorcycles, at iba’t ibang klase ng armas at protective gear.
Ayon sa PNP, malaking hamon sa kanilang hanay ang kakulangan sa sasakyan, lalo na sa Metro Manila. Malaking tulong daw ang mga bagong kagamitan para mas maging mabilis at epektibo ang kanilang operasyon.
Nakatakdang ipamahagi ang mga ito sa lahat ng kanilang yunit sa buong bansa upang mapabuti ang mobility, firepower, at seguridad ng mga pulis.
Bukod dito, nakaplano rin ang pagbili ng higit 2,000 push-to-talk devices na may kasamang body camera at radio upang mapalakas ang komunikasyon sa pagitan ng mga pulis.
Ayon sa PNP, ang hakbang ay simula ng kanilang modernisasyon, na layong mapabilis at mas maprotektahan ang bawat pulis sa kanilang tungkulin. #
