Higit ₱6-M halaga ng high-grade marijuana, nasabat sa shipment na idineklarang polyester rug
Naharang muli ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark ang humigit-kumulang 4.11 kilo ng high-grade marijuana o kush sa isang shipment na dumaan sa Clark.
Katuwang nila sa operasyon ang Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs.

Batay sa ulat nitong Miyerkules, January 28, ang nasabing kargamento ay idineklarang polyester rug runner, nagmula sa California, USA, at patungo sana sa San Mateo, Rizal.
Natuklasan ang kontrabando matapos makapagtala ng irregular imaging ang X-ray machine ng Customs. Isinailalim sa inspeksyon ang kargamento at nasaksihan ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police, at iba pang kasapi ng Clark Inter-Agency Task Force.
Sa pagsusuri, natagpuan ang isang cylindrical container na may tatlong itim na plastic bag na naglalaman ng pinatuyong dahon at fruiting tops.
Matapos suriin, kinumpirma ng PDEA chemical analysis na marijuana ang na-recover na substance, na itinuturing na dangerous drug sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Tinatayang nagkakahalaga ito ng ₱6.16 million.
Lumabas din sa imbestigasyon na nilabag ng shipment ang Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act.
Ayon kay District Collector Jairus Reyes, bahagi ito ng pinaigting na inspection protocols at proseso ng pamahalaan laban sa ilegal na droga. Giit pa niya, ang pagpigil sa pagpasok ng kontrabando sa mga pantalan ay direktang proteksyon sa mga komunidad.
Samantala, sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng ahensya sa lahat ng pantalan para mapanatili ang tiwala ng publiko.
Nitong Martes, January 27, nauna nang nasabat ng BOC-Clark at mga otoridad ang 712 grams ng high-grade marijuana na nagkakahalaga ng mahigit isang milyong piso na idineklarang jeans. Mula rin sa California, USA, ang padala na dumating sa Pilipinas nitong ikalawang linggo ng Enero at naka-address sa Batangas. #
