Higit ₱27.5-M shabu, nasabat sa Port of Clark bago maipadala sa Mandaluyong
Naharang ng Bureau of Customs – Port of Clark ang isang kargamentong galing United States na naglalaman ng 4,050 grams ng umano’y shabu.
Tinatayang ₱27,540,000 ang halaga ng kontrabando na nakatakda sanang dalhin sa Mandaluyong City.


Dumating sa bansa ang parcel noong June 9, at idineklara ito bilang mga nail powder at iba pang gamit sa salon upang hindi mapansin. Gayunpaman, sumailalim ito sa standard customs clearance at x-ray scanning matapos makitaan ng mga kahina-hinalang imahe.
Isang physical examination ang isinagawa nitong June 11 kung saan nadiskubre ang dalawang white plastic na timba na may lamang white crystal substance. Kinumpirma ng Rigaku spectrometer na positibong methamphetamine hydrochloride o shabu ang mga ito.


Inisyuhan na ng Warrant of Seizure and Detention ang shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Agad namang ipinasa sa Philippine Drug Enforcement Agency ang mga sample nito para sa confirmatory laboratory analysis. #
