Higit ₱1.6-B quick response funds, inilaan para sa mga sinalanta ng Bagyong Uwan at Tino

Inaprubahan ng Department of Budget and Management ang paglalabas ng mahigit sa ₱1.68 billion na Quick Response Funds para sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na nangunguna sa relief at recovery efforts laban sa pinsalang iniwan ng Typhoon Tino at Super Typhoon Uwan.
Kabilang sa mga makatatanggap ng pondo ang Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Philippine Coast Guard (PCG).
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang pagbangon ng mga lugar na labis na nasalanta.
Pinakamalaking alokasyon ang nasa agriculture sector na ₱1 billion upang palakasin ang rehabilitation program, kabilang ang pagkukumpuni ng mga pasilidad, pagbibigay ng crop at livestock inputs, at tulong sa mga magsasaka at mangingisda.
Nasa ₱631 million naman ang ibinigay sa DSWD para sa pamamahagi ng family food packs, non-food items, stockpiling ng relief goods, at emergency cash transfers para sa libu-libong pamilyang apektado ng kalamidad.
Samantala, ₱53 million ang inilabas para sa PCG upang mapalakas ang search and rescue operations, relief delivery, at iba pang post-disaster response sa mga baybaying lugar.
Matatandaang hinagupit ng Super Typhoon Uwan ang Bicol Region at Aurora bago tuluyang tumawid sa Central Luzon, na nag-iwan ng matinding pinsala sa imprastraktura at kabuhayan. #
