Health workers, makatatanggap ng dagdag benepisyo mula DBM
Naglabas ang Department of Budget and Management o DBM ng mahigit ₱6.7 billion na pondo para sa pagbabayad ng Public Health Emergency Benefits Allowances ng mga health at non-health workers na naglingkod sa panahon ng pandemya.
Sakop ng pondo ang mahigit 1.4 milyong claims mula 2021 hanggang 2023 na iniakyat ng mga lokal na pamahalaan, pribadong ospital, state universities, at iba pang institusyon.
Paliwanag ng DBM, kukunin ang pondo mula sa Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs (SAGIP) sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.
Idiniin ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na higit ₱121 billion na ang nailaan noong nakaraang taon para sa iba’t ibang benepisyo ng frontliners, at ang panibagong pondo ay tugon sa hiling ng Department of Health (DOH) upang matugunan ang natitirang balanse.
Kasabay nito, hinimok niya ang DOH na bilisan ang proseso ng pamamahagi upang agad na mapakinabangan ng mga health worker ang kanilang benepisyo, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.. #
