Halos 1M na ang rehistrado para sa BSKE 2026: Comelec

Umabot na sa halos isang milyon ang bilang ng mga naprosesong aplikasyon ng Commission on Elections (Comelec) para sa voters’ registration ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa 2026.
Ayon sa Comelec, as of December 14, 2025, nasa 962,615 na ang kabuuang aplikasyon sa buong bansa. Karamihan dito ay para sa barangay voters na may mahigit 740,000 applicants, habang higit 218,000 naman ang youth voters.
Sa datos ng poll body, mahigit 260,000 ang mga bagong botante na edad 18 pataas. Samantala, libo-libo rin ang mga nagpa-transfer ng rehistro na kapwa mula sa ibang lungsod o munisipalidad o di kaya naman ay sa loob ng parehong lugar.
Iniulat din ng Comelec na may halos 40,000 applicants para sa reactivation, bukod pa ito sa mga humiling ng correction of entries at iba pang uri ng aplikasyon.
Matatandaang muling binuksan ng Komisyon ang voters’ registration noong October 20, 2025 at tatagal hanggang sa May 18, 2026.
Tinatayang 1.4 million voters ang target na mairehistro ng Comelec para sa BSKE sa November 2026. #
