“Grand Oplan Baklas” ng Comelec, aarangkada sa March 28
Maglulunsad ang Commission on Elections (Comelec) ng malawakang “Grand Oplan Baklas” sa pagsisimula ng local campaign period sa Biyernes, March 28.
Layunin nitong tanggalin ang lahat ng illegal campaign materials simula noong kick-off campaign ng mga kandidato para sa national position.

Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, sabay-sabay itong isasagawa sa buong bansa kung saan lahat ng Comelec regional offices at election officers ay magtatanggal ng iligal at hindi environment-friendly na campaign materials.
Hinimok din niya ang mga may-ari ng mga private property na limitahan ang pagpapaskil ng election posters at tiyaking sumusunod ang mga kandidato sa Comelec requirement na 2×3 feet.

Noong February 28, nagpatupad na ng Oplan Baklas ang Comelec para sa senatorial at party-list candidates. Sa pagpapatuloy nito, bibigyan muna ng tatlong araw na palugit ang mga kandidato upang tanggalin ang kanilang iligal na campaign materials. Ang hindi susunod ay maaaring kasuhan ng election offense na posibleng humantong sa diskwalipikasyon. #