Gov’t employees, pwede pa ring mag-“react” sa election-related posts online: CSC
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Nilinaw ng Civil Service Commission (CSC) na pinahihintulutan nila ang mga empleyado ng gobyerno na mag-like, share, comment, o repost ng mga election-related post sa social media.
Sa kanilang Facebook post, sinabi nila na maaari silang makibahagi sa mga nabanggit na aktibidad online, basta’t hindi sila tuwirang sumusuporta at naninira ng sinumang kandidato o partido.
Ipinaalala naman ng Komisyon na hangga’t maaari ay iwasan o limitahan ng mga government employee ang kanilang pakikisangkot sa mga partisan political activity.
Alinsunod ito sa CSC Memorandum Circular No. 3, s. 2025 na nagpapaalala sa mga opisyal at empleyado na manatiling neutral sa usapin ng politika. #