Government projects, pwede nang ma-monitor online
Pumirma ng kasunduan ang Department of Budget and Management (DBM), UP Nationwide Operational Assessment of Hazards (UP-NOAH), at Department of Public Works and Highways (DPWH) para palakasin ang digital system na Project DIME.

Ang Project DIME o Digital Information for Monitoring and Evaluation ay binuo para sa pag-monitor ng malalaking proyekto ng gobyerno.


Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang teknolohiya ay dapat gamitin hindi lang para sa bilis ng trabaho kundi para rin sa transparency at accountability.
Iginiit din niya na ang pagkaantala sa proyekto ay pagkaantala ng serbisyo para sa mamamayan. Kaya mas pinaiigting umano ngayon ang pagbabantay sa bawat infrastructure project para masigurong mapakikinabangan ito ng taumbayan nang mabilis at tapat.

Kasama sa bagong partnership ang pagsama ng disaster risk reduction strategies mula sa UP-NOAH upang matiyak na matibay sa kalamidad ang mga proyekto. Magbibigay naman ng data at website input ang DPWH para mas mapadali ang pag-access ng publiko sa impormasyon. Sa kasunduan ding ito, pinatibay ang commitment ng Pilipinas bilang founding member ng Open Government Partnership (OGP). #
