Gov. Delta Pineda, nangakong paiigtingin ang flood control sa Pampanga
MASANTOL, PAMPANGA—Nangako si Governor Dennis “Delta” Pineda na mas paiigtingin pa ang mga proyekto sa pagsugpo ng baha sa mga bayan ng Masantol at Macabebe upang mapangalagaan ang kabuhayan ng mga residente, partikular ang industriya ng pangisdaan at aquaculture.
“Kahit po sanay na ang mga kabalen natin sa baha, kailangan po nating protektahan ang kanilang buhay at kabuhayan dahil sa climate change na nagdudulot ng mas grabeng bagyo, pagbaha o tagtuyot,” ani Pineda bago mag-motorcade sa Macabebe bilang bahagi ng kanyang kampanya para pagka bise-gubernador.

Kasama niyang nag-ikot sina Pampanga 4th District Rep. Dr. Anna York Bondoc, mga kandidato sa Provincial Board na sina Dr. Kaye Naguit at Nestor “Bay” Tolentino, Nanay Party List 1st nominee Ananias “Jun” Canlas, pati na rin sina Minalin Mayor Philip Naguit, Apalit Mayor Jun Tetangco, at Macabebe Mayor Vince Flores.

Matatandaan na noong August 2024, inilunsad ang Integrated Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation Project – Stage 1 (IDRR-CCA 1) sa Masantol upang tugunan ang matagal nang problema ng pagbaha dulot ng pagputok ng Mount Pinatubo noong 1991.
Ang Stage 2 ay nakatakdang ipatupad upang higit na mapabilis ang paghupa ng baha sa Masantol, Macabebe, Minalin, at Sto. Tomas.
Bukod dito, matagumpay ding natapos ng San Miguel Corporation (SMC) ang Better Rivers PH initiative, kung saan mahigit 700,000 tonelada ng burak at basura ang inalis mula sa Pampanga River.
Matatandaang noong 2023, personal na hiniling ni Pineda sa SMC ang desilting sa Pampanga River matapos ang magkakasunod na bagyong nagdulot ng malawakang pagbaha sa lalawigan. #