Go, nanguna sa latest senatorial preference survey: SWS
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Muling nanguna si reelectionist Senator Bong Go sa senatorial race, base sa resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Stations (2025) noong April 11-15, 2025.

Nakapagtala si Go ng tinatayang 45% ng boto na nagpapanatili sa kanya sa unang pwesto. Pumangalawa naman si ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na may 43%.
Sinundan din siya ng kanyang ka-alyansa na si incumbent Senator Lito Lapid sa ikatlong pwesto na may 34% ng mga boto.
Nag tie naman sa ika-apat hanggang ika-limang pwesto sina dating Senate president, Vicente “Tito” Sotto III at re-electionist, Senator Pia Cayetano na parehong may 33%.
Samantala, pasok rin sa Magic 12 si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na nakakuha ng 32%, Senator Bong Revilla at broadcaster na si Ben Tulfo na parehong may 31%.
Kinukumpleto naman nina Makati City Mayor Abby Binay, Las Piñas Rep. Camille Villar, at mga dating senador na sina Ping Lacson at Manny Pacquiao ang listahan ng mga “potential winners” sa nalalapit na halalan.
Sa kabuuan, siyam mula sa senatorial slate ng administrasyon na “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas” ang pasok sa senatorial winning circle.
Ayon sa SWS, ang nationwide survey, na kinomisyon ng Stratbase Group, ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews na nilahukan ng 1,800 rehistradong botante. #