GG Truck ng CLTV36, magiging mobile cinema sa isang film event sa Angeles City
Isang kakaibang film viewing experience ang ihahatid ng GG Truck ng CLTV36 sa The Shoppes – The Infinity, Angeles City sa darating na Sabado, March 29.

Ang mobile LED screen truck na ito ang magsisilbing pangunahing panooran para sa film screening na ipalalabas simula 4 PM hanggang 7 PM sa Rotunda.
Tampok sa screening ang walong Filipino shortfilms mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, kabilang ang apat na mula sa Pampanga na likha ng Kapampangan filmmakers. Ito ang “Quing Lalam Ning Aldo” ni Reeden Fajardo; “Mis Da Ka” ni Carlo Enciso Catu; “A Trip to Pampang Market” ni Kristelle Tapang; at “Gulis” ni Kyle Jumayne Francisco.

Gayundin ang “Black Rainbow” ni Zig Dulay (Pampanga/Isabela); “Hondo ni Aedrian Araojo” (Zamboanga); “Nalumos Akong Papa sa Sabaw” ni JP Corton (Leyte); at “Nananahan” ni Dwein Baltazar (Manila/Cavite).
Kasunod ng screening, magkakaroon din ng panel discussion mula 7 PM hanggang 8 PM, kung saan tampok sina Geo Lomuntad, Jorrybell Agoto, BC Amparado, Marienel Calma, at Cole Tidula.
Bukod sa film screening, may exhibit at art installation din mula 3 PM hanggang 8 PM sa Pavilion. Libre ang admission sa lahat ng naturang aktibidad, kaya’t iniimbitahan ang publiko na dumalo at ma-experience ang panonood ng pelikula sa pamamagitan ng isang mobile cinema. #