Gabriela Party-list, umapela ng proklamasyon sa gitna ng Duterte Youth issue

Umapela ang Gabriela Party-list sa Commission on Elections (Comelec) na maiproklama sila bilang mga opisyal na kinatawan kasunod ng May 12 elections.
Kasabay ito ng posibilidad na ma-disqualify ang Duterte Youth Party-list dahil sa kasong isinampa laban dito.
Iginiit ng grupo sa Comelec ang kahalagahan ng tunay na representasyon para sa vulnerable sectors, partikular na ang mga kababaihang mahihirap, na matagal nang itinataguyod ng grupo sa Kongreso bilang tagapagtanggol ng kanilang karapatan.
Nakapagtala ang Gabriela ng 256,811 na boto na naglagay sa kanila sa 55th spot. Subalit, tanging 54 party-list group lamang ang nakakuha ng sapat na boto para magkaroon ng upuan sa Kamara.
Sa 54 na ito, 53 na ang naiproklama ng National Board of Canvassers (NBOC).
Samantala, ang Duterte Youth, na pumangalawa sa halalan na may 2,338,564 votes, ay hindi pa rin naiproproklama dahil sa isyu sa kanilang registration.
Kinansela ito ng Second Division ng Komisyon dahil sa kakulangan umano sa publication at public hearing. Naghain naman ng apela ang Duterte Youth, kaya’t iniakyat na sa En Banc ang kaso.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Comelec Chairperson George Garcia tungkol sa isyu ng Duterte Youth habang hinihintay ang desisyon sa motion for reconsideration. #
