Fuel aid sa mga mangingisda, pinalawak ng BFAR sa gitna ng oil price hike
Pinalalakas na raw ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pamamahagi ng fuel assistance sa mga mangingisda.
Kasabay ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado na nakakaapekto sa hanapbuhay at suplay ng pagkain.
Patuloy raw ang distribusyon gamit ang natitirang pondo mula noong nakaraang taon habang hinihintay ang karagdagang ₱50 million na budget mula sa kasunduan kasama ang Development Bank of the Philippines.
Target ng fuel assistance program na matulungan ang tinatayang 15,000 municipal fisherfolk, lalo na sa 5th class municipalities.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., hindi dapat maging hadlang ang oil price hike sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda.
Hindi raw dapat masakripisyo ang hanapbuhay nila at kailangan raw na tuloy-tuloy ang kanilang pagpapalaot dahil isa ito sa pangunahing pinagmumulan ng pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino.
Sa kasalukuyan, mahigit 10,000 mangingisda na sa iba’t ibang rehiyon ang nakinabang. Pinakamarami ng mga benepisyaryo ay mula sa Bicol Region at Central Visayas na may 4,356 at 3,334 beneficiaries.
Habang ongoing ang pamamahagi sa Region I, II, III, VI, VIII, at XII na nagsimula noong March 16 at magtatapos sa March 26.
Sa ilalim ng fuel assistance program, makakatanggap ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ng one-time ₱3,000 para sa krudo. Ipinamamahagi ito sa pamamagitan ng cash cards sa mga lugar na may access sa mga gasolinahan. Cash vouchers naman ang ibinibigay sa mga liblib na komunidad.
Ayon sa BFAR, malaki ang epekto ng programang ito sa mga komunidad na umaasa sa pangingisda. Nangangahulugan ito ng mas maraming araw sa karagatan, mas maraming huli, at mas tiyak na pagkain para sa kanilang pamilya at taumbayan.
Giit pa ng ahensya, patuloy nilang palalakasin ang koordinasyon sa iba pang gobyerno at partner agencies upang masigurong napapanahon, sapat, at naaabutan ng tulong ang mga higit na nangangailangan. #
