Free EV charging, available na sa SFELAPCO Main Office
By Acel Fernando, CLTV36 News
Libreng makakapag-charge ang electric vehicles sa bagong EV charging station ng San Fernando Electric Light and Power Company (SFELAPCO) na matatagpuan sa kanilang main office sa Brgy. Lourdes, CSFP.

Ayon sa kumpanya, layunin nitong mapadali ang serbisyo para sa mga customer at mahikayat ang paggamit ng eco-friendly transportation.
Dalawang charging station ang inilagay sa loob ng compound kung saan maaaring magpa-charge nang libre sa loob ng 30 minutes ang mga customer habang nagbabayad ng bill o nagsasagawa ng iba pang transaksyon.


Tinatayang nakapagtatala ang bawat charging session ng 7kWh o katumbas ng humigit-kumulang ₱40 na halaga ng kuryente, ayon sa kumpanya.
Pinaliwanag din ni SFELAPCO spokesperson Atty. Cathy Diaz na bahagi ito ng kanilang pagsuporta sa paggamit ng renewable energy.
Bukas ang libreng charging stations tuwing regular office hours, at may mga tauhang handang mag-assist sa mga gagamit nito.
Plano rin ng SFELAPCO na maglagay ng katulad na charging station sa kanilang opisina sa Floridablanca. ##
