Fr. Tito Paez at 6 na iba pa, kinilala ng CBCP bilang “bagong martir” para sa Jubilee 2025
Kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pitong Pilipinong bagong martir na nagbuwis ng buhay sa pagtatanggol ng pananampalataya at paglilingkod sa komunidad.
Ayon sa pamunuan ng CBCP, ang mga insidenteng ito ay nagsimula noong taong 2000 na karamihan ay may kaugnayan sa karahasan at terorismong tumatarget sa mga Kristiyano, partikular sa Mindanao.
Kabilang sa listahan si Fr. Marcelito “Tito” Paez na pinatay noong 2017 matapos umanong tumulong sa pagpapalaya sa isang political prisoner sa Nueva Ecija. Kilala siya bilang tagapagtanggol ng karapatang pantao at maliliit na magsasaka sa kanyang archdiocese.

Kasama rin si Fr. Rhoel Gallardo, isang misyonero sa Basilan na dinukot at pinahirapan ng Abu Sayyaf bago pinaslang matapos ang mahigit isang buwang pagkakabihag noong 2000.

Gayundin ang apat na biktimang nasawi sa pambobomba sa loob ng Mindanao State University gym noong December 2023 habang ginaganap ang misa. Sila sina Junrey Barbante, Janine Arenas, Evangeline Aromin, at Riza Daniel.




Mula naman sa Cagayan de Oro, idinagdag sa listahan ang lay minister na si Alberto Pinagawa na pinaslang noong 2009 dahil sa pagtutol sa ilegal na pagtotroso at pagmimina na sumisira sa lupain at kabuhayan ng mga komunidad Lumad.
Kaugnay nito, ipinasa na ng CBCP ang kanilang mga pangalan sa Commission on New Martyrs – Witnesses of the Faith sa Vatican bilang bahagi ng paghahanda para sa Jubilee Year 2025.
Taong 2023 nang buuin ni Pope Francis ang isang special commission upang pag-aralan ang modern-day killings sa mga Kristiyano at tipunin o tukuyin ang mga itinuturing niyang “new martyrs.”
Layon nitong ipakita na ang pag-uusig sa pananampalataya ay patuloy na nararanasan sa makabagong panahon at magsilbing inspirasyon para sa mga Katoliko sa buong mundo. #
