Former SC Justice Andres Reyes, Jr., pamumunuan ang Independent Commission for Infrastructure ni PBBM

Pormal nang itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mga opisyal na bubuo sa bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI), na siyang sisiyasat sa mga umano’y maanomalyang proyekto ng pamahalaan sa nakalipas na sampung taon.
Pangungunahan ni retired Supreme Court Associate Justice Andres Reyes Jr. ang komisyon bilang Chairperson. Kasama niyang uupo sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson at Rosanna Fajardo, Country Managing Partner ng SGV and Co.
Ayon kay Marcos, ang kombinasyon ng karanasan ng tatlong miyembro—mula sa hudikatura, imprastruktura, at auditing—ay susi upang masuri nang mabuti ang mga iregularidad at matukoy ang mga dapat managot.
Bilang dagdag na puwersa, itinalaga rin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser at imbestigador ng komisyon. Kilala si Magalong sa kanyang integridad at pagiging dating pinuno ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Itinatag ang ICI sa ilalim ng Executive Order No. 94, na nilagdaan nitong Huwebes, September 11. Maliban sa pagsasagawa ng imbestigasyon, inaatasan din ang komisyon na magbigay ng rekomendasyon sa mga kasong maaaring isampa laban sa mga opisyal o pribadong indibidwal na mapapatunayang sangkot sa katiwalian.
Tiniyak naman ng Pangulo na mananatiling independent ang ICI at hindi makikialam ang Malacañang sa magiging direksyon ng kanilang imbestigasyon. #
