Foreign nationals na sangkot sa kasong child trafficking at exploitation, arestado sa Pampanga
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Arestado ang dalawang dayuhan sa Pampanga—isang Swedish national na wanted sa kanyang bansa dahil sa umano’y panggagahasa sa menor de edad at iba pang krimen, at isang Indonesian na sangkot naman sa kasong child trafficking.

Naaresto ang 55-anyos na si Heinz Henry Andreas Berglund, isang Swedish national, sa Angeles City, Pampanga noong April 2 sa bisa ng warrant kaugnay ng mga kasong child sexual abuse and exploitation materials (CSAEM) sa Sweden.
Si Berglund ay wanted dahil sa iba’t ibang kaso ng pang-aabuso sa ilalim ng Swedish Criminal Code. Isa sa kanyang mga biktima ay iniulat na 10 taong gulang na bata noong 2021, at mayroon din siyang record ng serious financial fraud.
Nangangamba ang mga otoridad na nagtungo siya sa Pilipinas upang humanap ng bagong mabibiktima. Ang kanyang presensya sa bansa ay banta umano sa kaligtasan ng mga kabataan.
Ang naturang operasyon ay isinagawa ng mga operatiba mula sa National Bureau of Investigation – Violence Against Women and Children Division (NBI-VAWCD) at Bureau of Immigration – Fugitive Search Unit (BI-FSU), batay sa impormasyong natanggap mula sa Swedish Police Authority sa tulong ng Homeland Security Investigations.
Samantala, arestado rin si Ignaz Ega Adhiaga, 28, isang Indonesian, nitong April 3. Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP), sangkot umano si Adhiaga sa child trafficking ng batang 9 na taong gulang.
Na-recover sa suspek ang sensitibong larawan ng mga bata mula sa iba’t ibang bansa.
Ang dalawang suspek ay kasalukuyang isinasailalim sa deportation proceedings dahil sa paglabag sa immigration laws.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang mga operasyon ay bahagi ng #ShieldKids campaign na layong tugisin at panagutin ang mga dayuhang nananamantala sa kabataan. Pinaigting din umano ng BI ang ugnayan sa local at international agencies upang mas maprotektahan ang mga bata laban sa sexual exploitation at iba pang uri ng pang-aabuso.
Kaugnay nito, umapela si Viado sa publiko na agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad na maaaring magdulot ng panganib sa mga bata.
Hinihikayat din niya ang sinumang may impormasyon kaugnay sa mga dayuhang sangkot sa pagsasamantala sa mga bata na agad makipag-ugnayan sa kanilang Immigration PH 24/7 helpline sa Facebook, gayundin sa Makabata Helpline 1383 ng Council for the Welfare of Children, o sa mga sumusunod na numero: 0919-3541383 (Smart) o sa 0915-8022375 (Globe). #