Floor price ng palay, itatakda sa ilalim ng bagong polisiya ng gobyerno
Naglabas ng Executive Order No. 100 si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na nagtatalaga ng floor price o pinakamababang presyo ng palay upang maprotektahan ang mga magsasaka laban sa pagbagsak ng farmgate prices.
Sa ilalim ng kautusan, inaatasan ang Department of Agriculture (DA) na tukuyin at baguhin ang presyo base sa cost of production, kalagayan ng merkado, at patas na kita para sa mga magsasaka.
Maaari ding isaalang-alang ng DA ang mga salik tulad ng kalamidad, pagdagsa ng imported rice, at pagbaba ng presyo sa world market.
Bubuo rin ng steering committee na pamumunuan ng DA at co-chaired ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Kasama rin dito ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at National Food Authority (NFA) para magtakda at magpatupad ng presyo.
Bukod dito, pinapayagan ng EO ang paggamit ng mga public facility tulad ng gymnasium, covered court, at multipurpose halls bilang pansamantalang imbakan ng palay kung kulang ang bodega.
Inaatasan din ang komite na gumawa ng guidelines sa paggamit ng mga pasilidad at magsumite ng report sa Pangulo kada tatlong buwan tungkol sa epekto ng polisiya sa kita ng mga magsasaka at sa supply ng bigas.
Nagpahayag naman ng kanilang suporta ang ilang grupo ng mga magsasaka ukol sa hakbang, ngunit nanawagan silang itaas sa ₱5 kada kilo ang price support at repasuhin ang taripa sa imported rice.
Binigyang-diin nila na bigo ang kasalukuyang umiiral na import ban na mapababa ang farmgate prices ng palay na nasa ₱10 hanggang ₱12 kada kilo, at bumabagsak pa sa ₱8 sa ibang lugar.
Matatandaang sinimulang ipatupad ang 60-day importation ban sa mga regular at well-milled rice nitong Setyembre 1, 2025, na matatapos sa Huwebes, Oktubre 30. #
