Flood control deals ng Discaya Group, iniimbestigahan ng Senado

Tinukoy ng controversial contractor na si Sarah Discaya ang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan bilang isa sa kanyang mga kakilala at nakatransaksyon simula nang pumasok siya sa construction industry.
Pinaniniwalaang si Engineer Henry Alcantara ito na nasa Senate Blue Ribbon Committee hearing din nitong Lunes, September 1.
Gayunman, mariing itinanggi ni Discaya sa pagdinig sa harap ni Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada ang umano’y pagkakaroon ng lagayan para sa mga infrastructure project bago pa mailabas ang National Expenditure Program (NEP).
Si Discaya ay may hawak na mahigit siyam na kumpanya kabilang ang Alpha and Omega General Contractor, St. Timothy Construction, St. Gerrard Construction, at Elite General Contractor na sinasabing nakakuha ng bilyon-bilyong halaga ng flood control projects mula sa DPWH.
Lumutang din sa pagdinig ang isyu ng umano’y “ghost projects” at ang marangyang lifestyle ng Discaya Group gaya ng koleksyon ng mga mamahaling sasakyan.
Base sa pahayag ng naturang contractor, nagsimula ang mga flood control project ng Discaya companies noong 2016 o panahon ng administrasyong Duterte, at lalo pang lumawak sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.. Mula July 2022 hanggang May 2025, tinatayang nasa ₱100 billion o halos 18% ng flood control budget ang napunta sa iilang piling contractor kabilang ang grupo ni Discaya.
Itutuloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan muling haharap si Discaya upang sagutin ang mas malalim pang mga tanong tungkol sa monopolyo, bidding process, at pananagutan sa mga proyektong pinondohan ng taumbayan. #
