Filipino Shipmates Monument, pinasinayaan sa Subic Bay
Pinasinayaan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang Filipino Shipmates Monument na matatagpuan sa Waterfront Road sa loob ng Subic Bay Freeport nitong Miyerkules, January 14.

Ipinapakita ng monumento ang matibay na ugnayan ng mga Pilipino at Amerikano at ang mahabang kasaysayan ng kooperasyon ng dalawang bansa, partikular sa Subic Bay na matagal nang nagsilbing mahalagang tulay ng kanilang relasyon.
Ayon sa SBMA, layunin ng monumento na parangalan ang kontribusyon ng mga Pilipinong tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kalayaan sa karagatan.
Gayundin, ito ay magsisilbing paalala sa susunod na henerasyon ng kanilang mahalagang bahagi sa pandaigdigang kasaysayan.
Pinangunahan ng United States Sailors Alliance of the Philippines (USSAP) ang pagpapatayo ng nasabing monumento.
Ito ay bilang pagkilala sa mahigit 35,000 Pilipinong na-recruit ng United States mula 1901 hanggang 1991 sa pamamagitan ng mga pasilidad tulad ng Subic Bay at Sangley Point.
Dumalo sa unveiling at ribbon-cutting ceremony ang mga opisyal ng Olongapo City, Bases Conversion and Development Authority, USSAP, at ng Embahada ng Estados Unidos sa Pilipinas, na nagbigay-diin sa patuloy na pagkilala sa sakripisyo at serbisyo ng mga Pilipinong mandaragat.
Patuloy namang isinusulong ng USSAP ang pangangalaga sa kasaysayan ng mga US-Filipino sailors, kabilang ang pagbibigay-pugay sa mga natatanging personalidad tulad ni Medal of Honor awardee Telesforo Trinidad, bilang simbolo ng matibay na pamana ng serbisyo sa Subic Bay at Olongapo City. #
