Filipinas, kampeon sa 2025 SEA Games women’s football
By Reyniela Tugay, CLTV36 News
Muling gumawa ng kasaysayan ang Philippine Women’s National Football Team matapos masungkit ang kauna-unahang SEA Games gold medal sa women’s football.

Ito’y sa pamamagitan ng panalo sa penalty shootout kontra Vietnam, 6–5, kasunod ng scoreless draw sa final nitong Miyerkules, December 17, sa Chonburi Daikin Stadium sa Thailand.
Naging dikit at depensibong laban ang championship match, kung saan nabigo ang parehong koponan na makapagtala ng goal sa loob ng regulation at extra time. Sa penalty shootout, naging perpekto ang Pilipinas sa kanilang mga sipa sa pamamagitan nina Jael Marie Guy, Alexa Pino, Hali Long, Angie Beard, Ariana Isabella Markey, at Jaclyn Sawicki.
Tinapos ni goalkeeper Olivia McDaniel ang kapana-panabik na laban matapos pigilan ang huling penalty attempt ni Tran Thi Thu ng Vietnam—isang makasaysayang save na naghatid ng gintong tagumpay at nagpasabog sa sabay-sabay na huli at sigaw ng tuwa ng buong delegasyong Pilipino sa loob ng stadium.
Sa sandaling iyon, bumuhos ang emosyon ng tagumpay habang nagyakapan ang mga manlalaro ng Pilipinas, simbolo ng bunga ng kanilang sakripisyo, disiplina, at walang sawang paniniwala sa kakayahan ng koponan.
Ang gintong medalya ay itinuturing na isang malaking hakbang sa patuloy na pag-unlad ng women’s football sa Pilipinas at patunay sa kakayahan ng bansa na magtagumpay sa ilalim ng matinding pressure. #
