Filipinas futsal squad, makakalaban ang mga powerhouse team sa Women’s World Cup

Makakabangga ng Philippine Women’s National Futsal Team na Filipinas ang matitinding koponan mula Argentina, Morocco, at Poland.
Ito ay matapos silang mapasama sa Group A ng kauna-unahang FIFA Futsal Women’s World Cup na gaganapin sa bansa mula November 21 hanggang December 7.
Idaraos ang prestihiyosong torneo sa PhilSports Arena sa Pasig City matapos ideklara ng Philippine Football Federation na ito na lamang ang magiging main venue sa halip na shared hosting kasama ang Victorias City sa Negros Occidental.
Bilang host nation, malaking hamon para sa Filipinas ang makaharap agad ang powerhouse team na Argentina sa pagbubukas ng kompetisyon, gayundin ang emerging futsal squads na Morocco at Poland.
Gayunpaman, kumpiyansa ang pambansang koponan na maipapakita nila ang kanilang galing at puso sa harap ng mga kababayan.
Lalahukan ng 16 na bansa ang naturang torneo, na hahatiin sa four groups. Aangat lamang ang dalawang mangunguna sa bawat grupo para makapasok sa knockout phase hanggang sa finals.
Ayon sa Philippine Football Federation, malaking oportunidad ito upang lalong mapalago ang futsal sa Pilipinas, kasunod ng sunod-sunod na pagsabak ng bansa sa iba’t ibang World Cup events nitong mga nakaraang taon. #
