Filipina designer, gumawa ng kasaysayan sa Project Runway U.S. Season 21
By Jonathan Acordon, CLTV36

Isang makasaysayang panalo ang tinamo ng New York-based Filipina designer na si Veejay Floresca, matapos siyang tanghaling kampeon ng Project Runway U.S. Season 21. Pormal na inanunsyo ang kanyang tagumpay sa grand finale nitong Biyernes, September 26 (PH time).
Sa huling laban, nakipagsabayan si Veejay kina Jesus Estrada at Ethan Mundt sa paggawa ng limang pirasong koleksyon sa loob lamang ng limang araw. Ang kanyang Terminator metallic-inspired line na itinampok ang isang mala-diyosang chainmail gown ay labis na nagpahanga sa mga huradong sina Heidi Klum, Nina García, Law Roach, at Michael Kors.
Higit pa sa tropeo ang kanyang nakamit, si Veejay ang kauna-unahang openly-transgender woman na nagwagi sa U.S. franchise ng Project Runway. Inilarawan niya ang panalo bilang isang tagumpay na buong puso niyang iniaalay sa kanyang komunidad, bilang patunay ng lakas at tatag na nakaangkla sa kanyang mga disenyo.
Bilang kampeon, naiuwi ni Veejay ang $200,000 cash prize, anim na buwang representasyon mula sa Agentry PR, mentorship mula sa Council of Fashion Designers of America (CFDA), at isang fashion spread sa Elle magazine.
Hindi na bago kay Veejay ang spotlight. Bago pa man ang kanyang pandaigdigang pagkilala, unang nakilala siya noong 2010 sa viral YouTube video na “We love you, Venus Raj,” na nakakuha ng milyun-milyong views. Una rin siyang sumali sa Project Runway Philippines Season 1 noong 2008, kung saan nagtapos siya bilang 3rd placer.
Sa kanyang makasaysayang panalo sa Amerika, hindi lamang niya muling itinaas ang bandila ng Pilipinas sa pandaigdigang fashion scene, kundi nagbigay-daan din siya sa mas malawak na representasyon at pagkilala para sa LGBTQIA+ community sa buong mundo. #
