FDA nagbabala laban sa pagkalat ng mga pekeng Paracetamol, iba pang gamot sa merkado
Ikinababahala ngayon ng Food and Drug Administration (FDA) ang 4 na counterfeit medicine o mga pekeng gamot na binebenta umano sa merkado.
Sa Advisory No. 2023-0150 na inilabas ng ahensya nitong Sabado, February 11, pinaaalalahanan ang publiko na maaaring magdulot ng panganib o pinsala ang mga gamot na mayroong counterfeit version.
Kabilang sa mga ito ay ang Paracetamol (Biogesic®) 500 milligram (mg) tablet; Ibuprofen (Medicol® Advance) 2007 mg Softgel Capsule; Aluminum Hydroxide / Magnesium Hydroxide / Simeticone (Kremil-S®) 178 mg / 233 mg / 30 mg Chewable Tablet; at Carbocisteine (Solmux®) 500 mg Capsule.
Ayon sa FDA, maaari umanong matukoy ang mga pekeng gamot batay sa kanilang logo, security mark, knurling, print color, at appearance dahil hindi umano ito maihahambing sa standard features ng lehitimo at rehistradong gamot.
Bunsod nito, binabalaan ang lahat ng establisyimento at mga drug outlet hinggil sa pagbebenta ng mga pekeng gamot.
Ayon sa FDA, maaari umanong magsumite ng report sa kanilang tanggapan via www.fda.gov.ph/ereport o mag-email sa ereport@fda.gov.ph para sa mga kahina-hinalang nagbebenta ng pekeng gamot.
Ang mga mapapatunayang nag-aalok, nagbebenta, at nag-aangkat ng pekeng gamot ay maaari umanong maparusahan ng paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009 at Special Law on Counterfeit Drugs.
Samantala, nanawagan rin ang FDA sa mga Local Government Unit (LGU), gayundin sa mga law enforcement agencies na tiyakin hindi maibebenta sa kanilang mga nasasakupan ang mga pekeng produkto. ##